3.03.2012

Day 4: The most heartbroken you have been, tell the story.

Bakit ganito tong challenge na nakuha ko? Hahahaha. =))))))) Pero sa lahat ng tanong na nasagutan ko so far, eto talaga yung may sagot ako.
Maraming beses na kong umiyak, nadapa, napahiya, napagalitan, nasaktan. Maraming beses ko na ding tinanong si God kung bakit ganito ang buhay. Pero siguro wala ng mas tatapat pa sa sakit na naramdaman ko nung October 26, 2011.
Para sakin, hindi masakit nung nakita ko si Daddy sa bahay ng naka-barong, nakahiga, at dinadalaw ng tao. Para sakin, pinakamasakit yung nangyari lahat bago yon.
Nag-fu fruit game kami ni Jorenn. Binigyan na ko ng pang-tuition ni Daddy nun. Nakalimutan ko na yung sinabi niya pero basta sabi niya ako na daw maghawak nung pera at baka magastos niya. Tuwa ako nun. Kasi nabawasan na siya ng iniintindi. Tapos, nagpunta akong labas kasama yung inaanak ko. Iniwan namin si Jorenn dun sa may fruit game. Ang saya ko pa nun. Kasi natutuwa ako sa mga bata. Tapos lumabas si Jorenn. Tinawag ako na as in makikita mo sa mukha niyang may mali. Sabi niya,"Dalian mo! Yung Daddy mo!" Na-blanko na ko nun. Lahat na mangyari sakin `wag lang sa kanya. Takbo ako sa loob. Narinig ko na si Mommy. Wala na. Lalo na kong na-blanko.
Nakaupo si Daddy sa harap ng TV namin. May malay pa siya pero hindi mo na siya makakausap kasi na-stroke na siya. Nangiki na siya. Putangina. Nung oras na yun gusto ko ng mamatay. Pilit siyang binubuhat nila Dikong, Jorenn, at nung pinsan ko. Pero dahil nga sobrang bigat ni Daddy, natagalan bago naisakay sa Revo at naidala sa ospital.
Sumunod na lang kami sa Emergency Room ni Mommy. Habang nasa tricycle ako puro,"Don't give up on us Daddy. Please." lang ang sinasabi ko. Lakas pa ng loob ko. Sabi ko baka may problema lang na hindi seryoso. Pagdating namin dun sa Good Sam, inaasikaso na si Daddy ng kung sino man yung mga yun. Wala pa ding malay si Daddy. Gusto ko silang murahin pero alam kong ginagawa lang din naman nila lahat ng makakaya nila.
Tinawagan namin yung mga kapatid ni Daddy. Tapos hanggang sa nilabas na si Daddy sa Emergency Room at dinala sa ICU. Yung tipong nakalagay siya dun sa higaan na may wheels. Tangina. Gusto kong palitan siya dun. Gusto kong isigaw na sana ako na lang.
Matagal tagal din kaming naghihintay sa baba. Ayoko umakyat. Sabi ko kay Jorenn `wag muna siyang umalis. Hindi ko kayang pumunta dun sa may ICU. Hindi niya ko iniwan. Tapos bumaba yung tita ko. Wala na. Nagpaliwanag na siya sakin. Gusto ko ulit mamatay.
Pinauwi na ko kasi mag-e enroll nga ako kinabukasan. Hinatid ako ni Jorenn. Tapos kumaen at natulog na ko. Tapos biglang may kumatok sa kwarto ko. Si Abuy.
Nung oras na yun alam ko talagang wala na. Alam kong kaya ako sinundo kasi kailangan ko ng samahan sila Mommy at Dikong sa ospital. Sobrang sakit. Hindi ko maigalaw yung katawan ko. Hindi ko alam kung anong unang gagawin ko. Pero sumama pa din ako. Kasama ko si Abuy, si Kuya Jayjay, at yung lola ko.
Pagdating namin, nandun palang kami sa ibaba ng stairs naririnig ko na yung iyakan nila. "Hindi ko kaya", sabi ko. Pero sabi nila kailangan daw. May nakasalubong pa nga kaming babae sabi,"Ayoko ng mga eksenang ganyan." Kung hindi lang ako nanghihina nung mga oras na yun, sinuntok ko siya sa mukha. Tangina niya kung nasan man siya.
Andun lang kami sa labas ng ICU. Umiiyak. Nananalangin kahit alam naming wala na. Nagdadasal kahit alam naming tapos na.
Kung tatanungin niyo kung bakit hindi masakit para sakin nung naka-burol na si Daddy sa bahay, isa lang ang sagot ko. Kasi nung nasa bahay na si Daddy, unti-unti ko nang natatanggap na wala siya. Umiiyak ako pero kasi masakit pa talaga. Pero nung nasa ospital si Daddy, may pag-asa pa ko na ma-o ospital lang siya. Kaya nung nalaman kong wala na, para kong kandila na hinipan. Yung tipong nasa linya ng telepono yung kapatid mo na nasa kabilang parte ng mundo. Umiiyak. Wala na kong masabi nung binigay sakin yung telepono. Ang nasa ko na lang,"Kuya, umuwi ka na." Tapos lalo akong umiyak nung sabi niyang,"Oo Tiny. Uuwi na ko."
Kaya kayo? Sabihin niyo na sa mga magulang niyo kung gaano niyo sila kamahal. Kung may alitan kayo, makipag-ayos na kayo. Dahil sa bawat segundong lumilipas dito sa mundo, hinding-hindi niyo na maibabalik ang mga oras na naaksaya niyo.
Masakit alalahanin yung mga nangyari noon, pero kahit anong gawin natin hindi naman natin mabubura yun sa alaala natin.
Sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan ko, naging matatag ako. Sa tulong ni God at ng mga taong nagmamahal sakin, nagawa ko ulit bumangon kahit sobrang sakit. Alam ko hindi pa hilom yung sugat ko, pero unti-unti din yang gagaling.
Alam ko kung nasan man si Daddy ngayon, gusto niya kaming maging masaya. At sana kung nasaan man siya ngayon, sana kasama na niya si God at sana masayang masaya na siya at walang problema.

No comments:

Post a Comment