9.01.2012

Libre ang mangarap

Kahit nung bata pa ako, hindi ako mataas mangarap. Simple lang. Naalala ko nung Grade 5/6 ako, tapos magsusulat sa "Sulating Pangwakas" kung ano yung ambisyon ko sa buhay, mag-turo lang ang nilalagay ko. Hindi naman sa nila-"lang" ko ang pagiging isang guro, pero dahil nung bata ako yun ang alam kong madaling maabot. Hindi ko nilalagay na mag-do "doctor", mag-a "abogasya", o magiging "Presidente ng Pilipinas".
Siguro kasi lumaki ako sa environment at sa isang pamilya na sakto at  simple lang. Yun lahat ng gusto mo, paghihirapan mo. Kahit na nasa elementary ka palang, lahat ng gustuhin mo, paghirapan mo. Kaya naman hindi mo na iisipin na mag-aral ng matagal na panahon kasi gusto mo na magtapos agad, gusto mo na kumita agad kasi gusto mo ng mabili lahat ng gusto mo.
Hindi ko naman sinasabing nagsisisi ako dahil hindi ko tinaasan ang mga pangarap ko, pero may konting panghihinayang din ako dahil hindi ko sinubukan kung kaya ko. Sabi man nila na kung mataas kang mangarap, mataas din ang pagbabagksan mo, sa palagay ko mas mahirap na hindi mo sinubukan at hindi mo nalaman.
Sa edad kong to, masasabi nga ng ilan na bata pa at malayo pa ang mararating, iba pa din kapag bata pa lang alam mo na kung saan ka pupunta at kung ano ang tatahakin mo sa mundo.
Payo ko sa mga batang wala pa sa kolehiyo, sana taasan niyo yung mga pangarap niyo. Walang masama sa pag-asam sa mga bagay, kahit na alam mong hindi mo kaya. Hindi mo alam at malay mo magkatotoo, kasabay ng pag-pursigi mong maabot yon. Libre lang mangarap, bakit di pa sulitin di ba? Sabi nga sa kanta ng Parokya Ni Edgar,"Wag kang matakot na baka magkamali, walang mapapala kundi ka magbakasakali. Lumilipas ang oras. Baka ka maiwanan kung hindi mo susubukan."

No comments:

Post a Comment